Ang pagpapa-screening ay isa sa mga pinakasimpleng hakbang na iyong magagawa upang manatiling malusog.
Maaaring hindi mo alam na lumalaki ang iyong panganib ng kanser sa bituka (bowel cancer) habang ikaw ay tumatanda. Kung maagang matutuklasan, siyam sa sampung kaso ng kanser sa bituka ay magagamot nang matagumpay.
Karamihan sa mga taong nagkaroon ng kanser sa bituka ay walang family history nito at maaaring walang napansing anumang sintomas tulad ng nakikitang dugo sa kubeta, pagbabago sa gawi ng pagdumi, pananakit ng tiyan, o hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang o pagkapagod. Kung mayroon kang mga sintomas anuman ang iyong edad, mahalagang talakayin ang mga ito sa iyong doktor.
Ang pagkumpleto sa pagsusuri sa bituka (bowel screening test) ay makakatulong sa pagtuklas ng mga pagbabago na maaaring humantong sa bowel cancer.
Kada dalawang taon, ang National Bowel Cancer Screening Program ay nagpapadala ng kit sa pamamagitan ng koreo sa mga lalaki at babae na may Medicare card, at may edad na 50 hanggang 74. Ang libre at simpleng test ay gagawin sa bahay. Hinahanap nito ang maliliit na bakas ng dugo sa iyong dumi, na kung mahahanap, ay dapat talakayin sa iyong doktor.
Sa kasamaang palad, anim sa sampung Australyano ay hindi nagkukumpleto ng kanilang test kit kapag ito ay natanggap. Siguraduhing gawin ang sa iyo at hikayatin din ang iyong mga kaibigan at kamag-anak. Maaari nitong iligtas ang kanilang buhay.